Lunes, Marso 28, 2016

Mga Isyung Panlipunan sa El Filibusterismo

ni Pola Marie Zacarias


Napakarami sa mga kabataan ngayon ang sadyang walang natural na pagkagusto sa ilang mga akdang nailimbag sa kasaysayan ng Pilipinong Pampanitikan. Lingid sa kaalaman ng karamihan ay napakahalaga ng mga ito hindi dahil sa mga taong sumulat ngunit dahil sa mga mahahalagang isyung natatalakay nito. Isa sa napakaraming halimbawa ay ang El Filibusterismo ni Dr. Jose P. Rizal. Bilang sikwel ng akdang Noli Me Tangere, mas mapangahas ang naging pagtalakay nito sa iba't ibang isyung panlipunan na nagsimula pa noong panahon ng mga Espanyol na nagpapatuloy hanggang ngayon. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga isyung natatalakay sa nasabing akda at ang mga halimbawa ng kung paano ito nangyayari sa kasalukuyang panahon.

1. ANG PANGINGIALAM NG SIMBAHAN SA MGA USAPING PAMPULITIKA - Karamihan sa atin ay may sapat na kaalaman sa kung paano halos mga prayle (o mga paring Espanyol) ang siyang namuno noong panahong nabubuhay pa si Rizal. Ipinakita niya ito sa nobelang El Fili kung saan napakataas ng tingin ng mga tao sa mga prayle. Lahat ng mga benepisyo ay nabibigay sa mga prayle. At maging pangaalipusta ng mga prayle sa mga Pilipina ay nakakalagpas. Lahat ng isyu at talakayan noon ay hindi nawawala ang opinyon ng mga pari. Katulad na lamang ngayon lalo na nang naging matunog ang isyu ng RH Bill. Ang reproductive health bill ay naglalayong bigyan ng karapatan ang mga mamamayang mamili tungkol sa pagpaplano ng pagkakaroon ng anak. Maaari silang sumangguni sa natural na paraan o calendar method o kaya naman ay sa artipisyal na pamamaraan kung saan mga pills at condom ang iminumungkahi. Dahil sa maselan na pamamaraang artipisyal, nangialam ang simbahan. Hindi nakaligtas ang mga pulitikong sumasang-ayon sa bill. Maging ang mga pulitikong ito ay nasabihang halimaw ng ilang pari sa pagiisip na maaaring mapigil ang lumolobong populasyon ng bansa sa pamamagitan ng pagkitil ng isang buhay. 

2. PAGGAMIT NG IPINAGBABAWAL NA GAMOT - Sa El Fili ay hindi miminsang nabanggit ang tuluyang pagkasira ng kalusugan ni Kapitan Tiyago dahil sa paggamit nito ng opyo o opium, na isang ipinagbabawal na gamot. Hindi pa rin ito nasusupil magpahanggang ngayon. Halos lahat ng lugar sa bansa ay may talamak na kaso ng droga. Ito ay isang lumalaganap na sakit ng lipunan.

3. DISKRIMINASYON SA LAHI - Inakalang hangal si Basilio dahil sa kanyang pagiging Pilipino maliban sa katotohanan na isa siyang kagalang-galang na guro. Ito ay walang ipinagkaiba sa kasalukuyang sitwasyon kung saan ang ibang lahi ay napapaboran kumpara sa Pilipino. Nakakalungkot na maging ang mga kapwa natin Pilipino ay kakikitaan ng kadayaan sa kanilang pagturing sa ibang lahi. Maging sa mga produkto. Sa El Fili ay naipakitang mas maganda para sa lipunan ang mga produktong galing Espanya kaysa sa mga gawa ng Pilipino. Katulad na lamang ngayon kung saan karamihan ng mga tinatangkilik na brand ng mga gamit ay puro nakabase sa ibang lugar.

4. PAGHUHUGAS-KAMAY NG MAKAPANGYARIHAN - Isa si Padre Clemente sa naghugas-kamay nang siya ay makagawa ng hindi kanais-nais na gawain. Nasira man ang kanyang integridad ay napaboran naman siya ng batas ng Espanya at siya ay naprotektahan sa simpleng kadahilanan na siya ay nasa isang mataas na antas ng lipunan. Wala itong ipinagkaiba ngayon kung saan halos lahat ng mga pulitikong gumagawa ng mali ay nakukulong ng ilang araw, nakakalaya, at nakakapagpatuloy mamuhay sa simpleng kadahilanan na sila ay may pera.

5. PAGKAMIT NG GUSTO SA MALING  PARAAN - Si Pelaez ay isang napakadeterminadong tao na lahat ay gagawin, masama man ito o mabuti, maisagawa lamang ang lahat ng kanyang nais. Naipakita ito ng ating bansa ng mamayani ang pandaraya at hinayaang mapunta ang mga hindi karapat-dapat na boto kay dating Pangulo Gloria Arroyo. Kaya naman ngayong susunod na halalan, mas marami na ang mulat. Mas marami na ang nagmamasid. Mas marami na ang nakabantay.


Ilan lamang ito sa napakaraming isyung panlipunan na tinalakay sa nobelang El Filibusterismo. Nawa ay magabayan nito ang mga kapwa ko kabataan na ang mga sakit ng lipunan ay mananatiling sakit hangga't hindi tayo kumikilos upang ito ay sugpuin.